28.6 C
Manila
Biyernes, Mayo 17, 2024

Pagpapatupad ng sexuality education sa mga paaralan pinasusuri ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Habang naaalarma ang Commission on Population and Development (POPCOM) sa bilang ng mga maagang nagbubuntis sa mga kabataang 10 hanggang 14 taong gulang, magsasagawa naman si Senador Win Gatchalian ng isang pagdinig upang patatagin ang pagpapatupad ng Department of Education ng Comprehensive Sexuality Education (CSE).

Bumaba naman ang kaso ng maagang pagbubuntis sa mga kabataang 15 hanggang 19 taong gulang. Gamit ang datos mula sa Civil Registry of Statistics ng Philippine Statistics Authority (PSA), iniulat ni POPCOM director Lisa Grace Bersales na may 2,113 na mga kabataang 10 hanggang 14 taong gulang ang nanganak noong 2020.

Ayon naman sa datos ng Field Health Service Information System ng Department of Education (DepEd), 2,354 ng mga batang babae mula sa naturang age group ang nanganak noong 2020 at 2,299 naman ang nagsilang noong 2021.

Inihain ni Gatchalian noong nakaraang taon ang Proposed Senate Resolution No. 13 upang masuri ang mga kaso ng maagang pagbubuntis at pag-akyat ng bilang ng may Human Immunodeficiency Virus (HIV) infections sa mga kabataan. Sa gagawing pagdinig, rerepasuhin ang kasalukuyang polisiya ng CSE upang masuri kung gaano kalawak ang saklaw nito at kung napapatupad nga ba ito nang maayos.

Nakabatay ang pagpapatupad ng CSE sa DepEd Order No. 31 s. 2018 na inisyu alinsunod sa Responsible Parenthood and Reproductive Health Act (RPRH) of 2012 (Republic Act No. 10354). Mandato ng batas ang pagtuturo ng naaangkop na reproductive health education sa mga paaralan. Mandato naman ng DepEd na bumuo ng curriculum para magamit ng mga pampublikong paaralan.

Ngunit pinuna ng United Nations and Population Fund (UNFPA) na natagalan ang integration at pagpapatupad ng CSE sa K to 12 curriculum. Lumabas din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang mga hamong kinakaharap ng pagpapatupad ng CSE, kabilang ang kakulangan ng mga pasilidad at learning materials. Hindi rin sapat ang mga pagsasanay sa pag-integrate ng sexuality education sa curriculum, ayon sa pag-aaral.

“Napagkakaitan ng oportunidad na makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga batang nagiging ina. Sa gitna ng nakakaalarmang bilang ng mga batang 10 hanggang 14 taong gulang na nagiging ina, napapanahong suriin natin nang mabuti kung epektibo nga ba ang polisiya ng ating mga paaralan sa pagpapatupad ng comprehensive sexuality education,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -