NILAGDAAN ni Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Bienvenido Laguesma (kanan, itaas na larawan) at Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco (kaliwa) ang DoLE-BI data sharing agreement (DSA) sa mga dayuhang nagtatrabaho sa Pilipinas sa DoLE Central Office sa Intramuros, Maynila noong ika-26 ng Pebrero 2024.
Palalawakin ng kasunduan ang pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng DoLE at BI sa mga dayuhang nabigyan ng Alien Employment Permits (AEP), alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 001, Series of 2019, o ang “Rules and Procedures Government Foreign Nationals.”
“Sa kalaunan, ang manual verification ay magiging isang bagay na lamang ng nakaraan, at ang Alien Employment Permit Management System ng DoLE at ang BI System, sa pamamagitan ng application programming interface ay mapapalawak ang palitan ng impormasyon na magreresulta sa pag-papasimple ng proseso ng parehong ahensya,” pahayag ni Secretary Laguesma.
Sinabi naman ni Commissioner Tansingco na sa pamamagitan ng DSA maaari na nilang “i-verify online in real time ang validity, authenticity ng AEP”, at mabibigyan na nila ng impormasyon ang mga dayuhan na napagkalooban ng 9G working visa at provisional work permit ng DoLE.
Sinaksihan ang paglalagda nina (mula kanan-pakaliwa, ibabang larawan) Employment and Human Resource Development Cluster Assistant Secretary Atty. Paul Vincent Añover, Employment and Human Resource Development Cluster Undersecretary Carmela Torres, at BI Data Protection Officer Vicente Uncad (dulong kaliwa). (Kuha ni Alejandro P. Echavez, DOLE-IPS)