NAGPASALAMAT si Sen. Robinhood “Robin” Padilla kay Sen. Risa Hontiveros nitong Martes ng gabi para sa pagbigay ng due process sa pamamagitan ng pag-issue ng Show-Cause Order para kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Ito ay matapos mag-isyu si Hontiveros ng Show-Cause Order bilang tagapangulo ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
“Maraming salamat po sa inyo, Senadora Risa Hontiveros,” ani Padilla sa kanyang Facebook account.
Bago nito, nagsulat ng liham si Padilla kay Hontiveros na humihingi ng konsiderasyon para kay Quiboloy. Aniya, ang testigo o resource person na hindi o tumangging humarap sa Senado ay maaaring ma-cite in contempt kung matiyak na ito ay wala sa katwiran — at ito ay ayon sa ating Saligang Batas.
Sa Sec. 21, Art. VI ng 1987 Constitution, bagama’t maaaring mag-investigate in aid of legislation ang Kongreso, “the rights of persons appearing in or affected by such inquiries shall be respected.”
“Indeed, while acknowledging the Committee’s authority to cite Pastor Quiboloy, or any witness for that matter, in contempt for refusing to appear despite receipt of a subpoena, it is imperative to underscore that such citation is contingent upon the determination of an undue refusal to comply thereto,” ani Padilla sa kanyang liham.
“Readily declaring a prospective witness in contempt without providing an opportunity to explain noncompliance with an issued subpoena risks establishing a dangerous precedent, amounting to a potential violation of the witness’ right to due process,” dagdag niya.
Dahil dito, hiniling niya mula kay Hontiveros ang “reconsideration” at i-hold in abeyance ang order of contempt, at mag-issue muna ng Show Cause Order kay Pastor Quiboloy sa susunod na committee hearing.
Bukod dito, ipinunto ni Padilla ang precedent noong 1991 sa paghiling ng konsiderasyon mula sa komite para sa karapatan ni Quiboloy. Sa hiwalay na liham kay Hontiveros, hiniling ni Padilla na huwag pumilit ng testimonya kay Quiboloy sa oras na may legal proceedings na ang Department of Justice kay Quiboloy.
Aniya, ayon sa Bengzon vs Senate Blue Ribbon Committee (1991), maaaring mag-imbestiga ang Kongreso sa mga aspeto na maaari itong mag-legislate o mag-appropriate, nguni’t hindi ito maaaring mag-inquire “into matters which are within the exclusive province of one of the other branches of the government.”
Dagdag ni Padilla, nag-anunsyo ang DOJ noong Marso 4 ang utos nitong mag-file ng kasong kriminal laban kay Quiboloy.
“In the event that legal proceedings are initiated, this representation trusts that the Committee will take into consideration the principles outlined in the Bengzon ruling and refrain from compelling any testimony from Pastor Quiboloy, as such action may inadvertently influence the judicial process,” ani Padilla.